MULA Marso 7 hanggang Abril 2 ngayong taon, mahigit 9 na milyong mga Saksi ni Jehova sa buong mundo ang nagsasagawa ng kampanya para imbitahan ang publiko sa dalawang okasyon na mayroong layunin na tulungan ang mga tao na malaman ang pangako ng Bibliya tungkol sa isang magandang kinabukasan para sa lahat.
Sa gabi ng Abril 2, 2026, ang taunang pag-alaala sa Hapunan ng Panginoon ay magtatampok ng isang pahayag na nagbibigay-diin sa mga turo ni Jesus hinggil sa kinabukasan ng mga tao.
“Habang nag-aalala ngayon ang maraming tao hinggil sa kinabukasan, ang Bibliya ay nagbibigay sa atin ng tunay na pag-asa,” ang sabi ni Normito Zapata Jr., tagapagsalita ng mga Saksi ni Jehova sa Metro Manila.
“Ipinapaliwanag sa okasyong ito kung paanong ang buhay at mga turo ni Jesus ay may malaking bahagi sa buhay ng mga indibidwal mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Ang katotohanang ito na itinuro ni Jesus ay nagbibigay sa atin ng pag-asa sa halip na pangamba at pag-aalala,” dagdag pa ni Zapata.
Iniimbitahan din ng mga Saksi ni Jehova ang maraming tao para daluhan ang espesyal na pahayag na may temang “Paraisong Lupa—Sino ang Magbabalik?”
Ito ay ipapahayag sa buwan ng Marso, 2026 sa mahigit 118,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong mundo.
Ang 30 minutong pahayag na ito ay magpapaliwanag sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa:
• Kaugnayan ng tao sa mundo.
• Ang pagababalik ng orihinal na layunin para sa lupa.
• Kung paano tayo makikinabang mula sa mga pangako sa Bibliya.
Mga 2,000 taon na ang nakakalipas noong Nisan 14 sa Judiong kalendaryo, 33 C.E., pinasimulan ni Jesus at ng kanyang mga apostol ang Hapunan ng Panginoon.
Nang gabing iyon, iniutos ni Jesus ang nakaulat sa Lucas 22:19 na, “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”
Taon-taon sinusunod ng mga Saksi ang utos na ito base sa araw na nabanggit bilang paalala sa pangako ng Bibliya na posibleng maibalik sa orihinal na layunin ang nasirang lupa. Mahigit na 21 milyong katao ang dumalo sa Hapunan ng Panginoon nitong nakaraang taon.
Para sa higit na impormasyon hinggil sa Hapunan ng Panginoon at sa espesyal na pahayag at para makadalo sa lokasyon na malapit sa iyo, maaaring pumunta sa jw.org/tl > tungkol sa amin > memoryal.
Ang dalawang okasyon na ito ng mga Saksi ni Jehova ay walang bayad at bukas para sa publiko.



