INIHAYAG ng Special Audit Team (SAT) ng Commission on Audit (COA) na nagkaroon di-umano ng malawakang pandaraya (massive fraud) at mga paglabag sa batas sa isinagawang pagbili ng mga learning materials na nagkakahalaga ng ₱2.2 bilyon sa education Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon na isinagawa sa MBHTE, nangyari ang nasabing procurement sa ilalim ni Education Minister Mohagher Iqbal para sa mga eskuwelahan sa BARMM.
Sa utos ni COA Chairman Gamaliel Cordoba mula Agosto ng nakaraang taon, isinagawa ang special fraud audit ng Special Audit Team (SAT) matapos pumutok ang balita na may magsasampa umano ng reklamo laban sa mga opisyal ng MBHTE.
Batay sa impormasyon ang nasabing reklamo ay hinggil sa umano’y dalawang kaso ng maanomalyang paggamit ng pondo ng BARMM na umabot sa halagang ₱2,221,488,155.57.
Ang unang kaso ay hinggil sa bayad sa mga textbooks para sa grade schools noong 2025 na umabot sa ₱1,772,251,519.17 at ang ikalawa naman ay ang kahina-hinalang bayad sa isang supplier, ang FEJA Non-Specialized Wholesale Trading, para sa Learner’s and Teacher’s Kits na nagkakahalaga ng ₱449,236,636.20.
Sinabi pa sa SAT report na hindi umano dumaan sa standard reviews ang nasabing mga transaksyon at may mga paglabag sa procurement laws at auditing procedures.
Ang fraud audit hinggil sa alegasyon ng massive corruption ay isinagawa matapos ang masaklap na performance sa sektor ng edukasyon sa BARMM batay sa pinakahuling report ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2).
Batay sa fraud investigation, may 73 disbursement vouchers (DVs) para sa pagbili at pagbayad ng mga learning materials na umabot sa ₱2,247,023,709.80 batay lamang sa certification.
Ayon pa sa report ng SAT ang nasabing sertipikasyon ay ginawa ng mga opisyal at kawani ng MBHTE sa kabila ng kakulangan ng procurement documents sa ilalim ng Republic Act No. 9184, o mas kilala sa tawag na Government Procurement Reform Act.
Ipinalabas na nasirtipikahan umano ng hepe ng Finance Division ang mga naturang transaksyon kaya ang supplier ay nabayaran ng buo dahil may basbas ng Minister or Deputy Minister.
“Dahil sa nasabing mga sertipikasyon, ang nasabing mga transaksyon ay binayaran sa kabila nang hindi pagsumite ng mga karaniwang supporting documents, na naging isang malaking kawalan sa pamahalaan,” ayon sa SAT report.
“Failure to submit comments within the prescribed period shall constrain the SAT to finalize its findings based on the available records,” dagdag pa ng nasabing ulat.
Ayon pa sa SAT report, may material defects din sa awarding ng 53 contracts na may halagang ₱1,952,923,307.40 dahil umano’y nagkulang ang Bids and Awards Committee (BAC) na patunayan ang Joint Ventures (JV) ng dalawang kumpanya bilang bidders kung kaya napunta at nakolekta ang kontrata sa isa lamang sa mga miyembro ng JV.
Itinuloy pa rin di-umano ng MBHTE ang kontrata sa 41 proyekto para sa pagbili ng Colored Quality Content and Updated Learning Resources for Basic Education sa iba’t ibang antas ng grade school na may halagang ₱1,478,258,182.35 kahit kulang ang requirements ng bidder na maglagak ng Performance Security (PS) bago ito pirmahan.
Ang masaklap pa, hindi rin umano nagpatupad ang MBHTE ng penalty o liquidated damages sa kontraktor na umabot sa ₱16,068,000 para sa 520-day delay sa pagdeliver ng small armchairs na nagkakahalaga ng ₱30,900,000 para sa grade schools.
Bukas ang BRABO News sa anumang pahayag mula sa kinauukulan kung nais nilang magbigay ng pahayag o kaya’y pasinungalingan ang isyung ito.



