KASADO na ang “Oplan Balik Eskuwela” (OBE) ngayong taon, ayon kay Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara upang pabilisin ang proseso ng enrollment, tugunan ang mga hinaing ng publiko, para sa maayos na pagbubukas ng klase sa Hunyo 8, 2026.
Mula Hunyo 1 hanggang 11, magkakaroon ng malawakang mobilisasyon upang tiyakin ang kahandaan sa imprastraktura at lohistika sa buong bansa at makipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor.
“Ang ating paghahanda para sa Oplan Balik Eskwela ay patunay ng ibinigay na prayoridad ni Pangulong Bongbong Marcos na itaas ang kalidad ng edukasyon para sa bawat kabataang Pilipino,” ang pahayag ni Angara.
“Sinisiguro natin, kasama ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, na magiging ligtas, maayos, at walang aberya ang pagbabalik-aral ng ating mga mag-aaral,” dagdag pa ng kalihim.
May kabuuang 16 na ahensya sa ilalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang makikipagtulungan sa DepEd para maibigay ng maayos na suportang lohistikal sa lahat ng kampus.
Ilalatag din ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine National Police (PNP), Department of Health (DOH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga alituntunin sa kaligtasan, serbisyong pangkalusugan, at mga plano sa pamamahala ng trapiko.
Babantayan ng Department of Energy (DOE) ang mga pasilidad para sa tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, habang palalawakin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang proteksyon sa mga mamimili.
Tututukan naman ng Department of Transportation (DOTr) ang biyahe ng mga mag-aaral, habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) ang magpapatatag sa linya ng komunikasyon at internet.
Bukod dito, nariyan din ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa pamamagitan ng Office of Civil Defense (OCD), Presidential Communications Office (PCO), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Makikipagtulungan din ang mga pribadong sektor tulad ng Manila Electric Company (MERALCO) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) para sa tuluy-tuloy na suplay ng kuryente at tubig sa mga paaralan.
Para sa mas mabilis na pagtugon sa publiko, gagamitin ng OBE Public Assistance Command Center (OBE-PACC) ang mga hotline, email, at opisyal na social media accounts upang umaksyon sa mga reklamo at katanungan sa lalong madaling panahon.
Bilang pagtalima sa umiiral na mga regulasyon ng DepEd, ang mga guro sa pampublikong paaralan ay hindi bibigyan ng anumang gawaing administratibo o gawaing pang-opisina sa mga linggong ito ng paghahanda upang makatutok sa kahandaan ng kanilang mga silid-aralan.
