INILUNSAD ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang online program courses nito kaugnay sa Early Childhood Care and Development (ECCD) Services NC III.
Kasabay na inilunsad ang nasabing programa sa ceremonial graduation ng ECCD trainees mula sa TESDA Regional Training Center sa Pili, Camarines Sur nitong Mayo 22, 2026.
Itinampok sa nasabing event ang patuloy na pagpapatatag ng ahensya sa mga early childhood workforce sa pamamagitan ng flexible at inclusive learning opportunities.
Nagpakita naman ng suporta ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang munisipyo ng Camarines Sur upang ibida ang mga pagsulong ng mga kabataan sa kani-kanilang komunidad.
Sinabi ni TESDA Secretary Kiko Benitez na layunin ng nasabing digital learning initiative na matulungan at matutuo pa ng higit sa de-kalidad na mga pagsasanay at makakuha ng sertipikasyon ang mga child development workers, galing man ang isa sa probinsya o lungsod.
Pinasigla rin ng Kalihim ang mga nagsipagtapos na kumuha pa ng karagdagang mga pagsasanay upang mapabilang sa mga kailangan na mga trainers at assessors sa hinaharap.
Bilang pagkilala naman sa kahalagahan ng mga early childhood workforce sa bansa, nagpahayag ng suporta si Senador Sherwin Gatchalian upang mas lumawak pa ang mga pagsasanay at professional development ng mga ito.
Nakipagtulungan ang TESDA Technology Institutions sa piling mga partner tulad ng Early Childhood Care and Development Council, at sa University of the Philippines Department of Family Life and Child Development.
Dahil sa ECCD Services NC III program, may kakayahan na ngayon ang mga Child Development Workers pagdating sa kalusugan, nutrisyon, maagang pagkatuto ng mga bata, proteksyon ng bata, holistic child development edad zero hanggang limang taong gulang.
Sa pinakahuling datos ng ahensya, mula 3,452 enrolees, mayroon ng 2,477 trainees sa buong bansa na naka-kumpleto na sa nasabing prgrama.
Sa kasalukuyan, mayroon nang 89 registered program, 75 accredited assessment centers, 72 certified assessors, at 451 trainers sa buong bansa dahil sa patuloy na implementasyon ng nasabing programa.
