KUNG titingnan ang kasalukuyang kalagayan sa ginagawa umano na “judicial inquiry” ng House Justice committee, tila naghuhudyat ito na tuloy-na-tuloy na ang impeachment trial sa senado laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Senador JV Ejercito sa isang panayam sa radyo kung saan unti-unti na umanong sinasabihan ni Senate President Tito Sotto ang kanilang mga kasamahan na maghanda-handa na sa isang makasaysayang yugto ng pulitika sa bansa.
Sa nasabing panayam, sinabi ni Ejercito na nagpatawag umano ng miting si Sotto na wala naman sinabing espisipikong agenda, ngunit may instruksyon na kailangan na nilang maghanda dahil nababasa nila na ang impeachment complaint ay maiaakyat na sa senado.
“Hindi niya sinabi ang agenda, malamang in-update niya lang kami. Isa pa, hiniling din niya sa mga miyembro ng Blue Ribbon Committee na pirmahan na ang mga nakabinbing dokumento,” ang pahayag ng senador.
Bagama’t aniya hindi pa nila masasabi kung kailan ito eksaktong mangyayari, ang paghahanda na kanilang ginagawa sa ngayon ay may kaugnayan na sa pag-convene nilang mga senador bilang impeachment court.
“Tinitingnan na namin ang posibilidad na kumuha ng mga consultants dahil ang impeachment ay isang kakaibang legal na proseso,” ang pahayag ni Ejercito.
“Ang sinasabi ko ay mga indibiduwal na tutulong sa amin sa proceedings kapag isa na kaming impeachment court,” dagdag pa ng senador.
