LAKING pasasalamat ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon hindi dahil sa pinagmulta ng ₱54.28 milyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang Maynilad kundi kinilala ng ahensya na bigo ang water concessionaire na makapagbigay ng tuloy-tuloy na water supply sa mga kustomer nito sa West Zone, kabilang na ang Muntinlupa.
Ayon kay Biazon, mahalagang hakbang ang pagbibigay ng ₱327.96 na rebate sa bill ng mga apektadong consumer, pero kasabay nito, iginiit ng alkalde na dapat isulong ang pang-matagalang solusyon sa [problema] sa tubig.
“Bagamat hindi nito mababawi ang perwisyo at abalang dinanas ng ating mga kababayan, inaasahan natin na magsisilbi itong paalala sa water concessionaire na gampanan ang kanilang obligasyon na maghatid ng tuloy-tuloy at maayos na serbisyo,” pahayag ng alkalde.
Kasabay nito, nanawagan si Biazon sa mga kinauukulang ahensya na magsagawa ng mas malalim na pagsusuri sa mga isyung may kinalaman sa kalidad ng tubig sa Laguna de Bay, na tinutukoy ng Maynilad bilang isa sa mga dahilan ng kanilang operational challenges.
Binigyang-diin ni Mayor Biazon na bilang isa sa pangunahing pinagkukunan ng tubig, nararapat lamang na matiyak ang kalidad ng tubig sa nasabing lawa at matugunan ang anumang suliranin na maaaring makakaapekto sa water treatment at distribution.
“Hindi lang dapat pansamantalang solusyon ang tugon natin dito. Kailangan ng pangmatagalang hakbang upang masiguro ang sapat, ligtas, at tuloy-tuloy na suplay ng tubig para sa mga Muntinlupeño,” dagdag pa ng punong lungsod.
Matatandaang ipinatawag ni Biazon noong Marso ang mga opisyal ng Maynilad upang magpaliwanag at maglatag ng pangmatagalan, maaasahang solusyon at konkreto hakbang sa problema sa suplay ng tubig sa lungsod.
MAYNILAD PINAGMULTA NG MWSS
Biazon nanawagan ng pangmatagalang solusyon sa suplay ng tubig

Share
IBA PANG BALITA