Nagpulong ang Metropolitan Manila Development Authority o MMDA at mga opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang tuloy-tuloy na daloy ng mga sasakyang may dalang essential goods.
Sa pulong na pinangunahan ni MMDA Chairman Don Artes, napagkasunduan ang pagha-harmonize o pag-iisa ng oras ng truck ban sa buong Metro Manila.
Mananatiling exempted sa truck ban ang mga truck na may kargang essential at perishable goods upang hindi maantala ang suplay ng pangunahing pangangailangan.
Ipatutupad din ang moratorium sa pass-through fees para mabawasan ang dagdag-gastos sa transportasyon.
Ang mga hakbang na ito ay alinsunod sa Executive Order No. 110 s. 2026 o ang deklarasyon ng State of National Energy Emergency kung saan binibigyang-diin ang tuloy-tuloy at episyenteng paghahatid ng serbisyo at produkto.
Ginagawa ang mga ito sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East na nagdudulot ng pagtaas sa presyo ng ilang bilihin. (AR BERNARDO)
