MULING nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga Pilipino laban sa paggamit ng mga ilegal na “backdoor” exit, matapos ang sunod-sunod na pagpapauwi sa mga Pilipinong naging biktima ng human trafficking.
Ang babalang ito ay kasunod ng ulat mula sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng ahensya tungkol sa repatriasyon ng isang 24-anyos na Pilipina na dumating ng bansa noong Marso 23, 2026.
Ang biktima ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 via Hong Kong mula sa bansang Cambodia.
Ayon sa ulat, ang biktima ay lumabas ng bansa noong Mayo 31 ng nakaraang taon sa pamamagitan ng bangka mula Tawi-Tawi na dumaan sa Sabah hanggang Kota Kinabalu, at Kuala Lumpur sa Malaysia bago nakarating sa Phnom Penh at Bavet sa Cambodia.
Inamin ng biktima na na-recruit siya online sa pamamagitan ng Telegram para sa isang trabaho bilang receptionist sa Myanmar at pinangakuan ng suweldo na nasa USD 900 hanggang USD 1,200 (mahigit-kumulang P50,000 hanggang P68,000).
Matapos piliting magtrabaho bilang love scam operator sa loob ng dalawang buwan, ibinenta siya sa ibang kumpanya kung saan muli siyang pinilit na gumawa ng mga scam sa loob pa ng ilang buwan.
Idinagdag pa ng biktima na sumakay siya ng bangka kasama ang ilang hindi kilalang mga kasamahang Pilipino na dumaan din sa mga ilegal na ruta patungong Myanmar.
Dahil dito, nagbabala si Immigration Commissioner Joel Anthony Viado laban sa mga ilegal na paraan ng pag-alis sa bansa, partikular na ang paggamit ng mga “backdoor” routes.
Binigyang-diin ng BI na ang mga indibidwal na lumalabas ng bansa sa pamamagitan ng “backdoor” exit ay mas malaki ang panganib na maabuso dahil wala silang mga legal na proteksyon at tulong mula sa gobyerno habang nasa ibang bansa.
Mas pinaiigting pa ng BI ang pagpapanatili ng malapit na koordinasyon sa mga katuwang na ahensya upang lalong palakasin ang mga hakbang sa kontrol sa border at ipagpatuloy ang mga pagsisikap nito laban sa human trafficking at ilegal na recruitment. (PERCIVAL GILHANG)
