Home Police Story 2 holdaper, timbog sa follow-up operation sa Rizal

2 holdaper, timbog sa follow-up operation sa Rizal

0
2 holdaper, timbog sa follow-up operation sa Rizal (File photo)

NAARESTO ng mga otoridad ang dalawang suspek sa kasong robbery o hold-up sa sa Barangay San Jose, Rodriguez, Rizal nitong Abril 12, 2026, bandang alas-2:20 ng madaling araw.

Kinilala ni PCol. Eleazar Barber Jr., Provincial Director ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) ang mga suspek na sina alyas Christian at alyas Mark, parehong residente ng Quezon City.

Batay sa ulat, biglang nilapitan ng dalawang armadong suspek ang mga biktimang sina alyas Abby, 26, at alyas Ken, 25, na kapwa store crew at naka-duty, habang may isa pang kasabwat na nakaabang sakay ng motorsiklo.

Gumamit sila ng patalim at isang caliber .22 pistol upang ideklara ang hold-up at natangay ang dalawang cellphone at cash na nagkakahalaga ng Php1,000.00 bago tumakas patungong E. Rodriguez Highway.

Dahil sa mabilis na aksyon at koordinasyon ng Rodriguez Municipal Police Station at Quezon City Police Station 13, naaresto ang dalawang suspek at narekober mula sa kanila ang dalawang ninakaw na cellphone, isang bag, at ang ginamit na .22 caliber na baril.

Ayon kay Barber, lumabas sa imbestigasyon na posibleng sangkot din ang mga ito sa sunod-sunod na hold-up sa iba’t ibang convenience store sa bayan.

Samantala, patuloy na pinaghahanap ang ikatlong kasabwat na kilala bilang alias John Doe na nananatiling at-large.

“Ang mabilis na pagkakaaresto sa dalawang suspek ay patunay ng ating pinaigting na operasyon at matibay na koordinasyon ng kapulisan upang sugpuin ang mga masasamang elemento sa lalawigan ng Rizal,” pahayag ni Barber.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms ang mga suspek habang nakakulong ang mga ito sa custodial facility ng Rodriguez Municipal Police Station. (KNOTS ALFORTE)

Exit mobile version