MAKAKATANGGAP ang lokal na pamahalaan ng Pasig City sa ilalim ni Mayor Vico Sotto ng kabuuang $1-M matapos itong pagkalooban ng Bloomberg Philanthropies dahil sa proyekto nitong floating parks.
Ang nasabing lumulutang na mga parke na tinaguriang isa sa ‘world’s top urban innovations’ ay planong ilagay sa Pasig River at pangangasiwaan ng mga residente ang operasyon nito na bubuo sa Parks Governance Council.
Batay sa nasabing programa, ang mga floating parks ay may kabuuang 700 square meters lakip na ang modular circular platforms gamit ang converted [ship] barge na kayang maglulan ng 250 katao.
Ayon sa lokal na pamahalaan, dahil sa ilalagay na basang lupa sasalain nito ang tubig, at babawasan ang pag-apaw ng ilog dahil sa retention system.

Ang napanalunang halaga ay madadagdagan pa para sa operational support at dagdag na pondo para sa mga staff na mangunguna sa proyekto upang malaman kung kailangan pa itong palawakin.
Sa susunod na mga buwan, ipa-finalize na ng Pasig City ang disenyo at pasisimulan na ang konstuksyon ng mga floating parks at makikipag-ugnayan sa pribadong sektor gayundin sa nasyunal na pamahalaan at mga ahensya para sa regulatory at teknikal na mga aspeto.
Ang Pasig ay isa sa 25 na mga lungsod sa Pilipinas na sumali sa nasabing kompetisyon kung saan nasa 630 lungsod naman ang sumali mula sa iba’t ibang bansa sa 2025-2026 Mayors Challenge.
Maliban sa Pasig, nasa ‘global top 50 finalists’ naman ang Naga City at Cauayan City.
Ang founder ng Bloomberg Philanthropies ay si Michael R. Bloomberg na dating alkalde ng New York City kung saan todo-suporta ito sa mga malikhaing ideya ng lokal na mga pamahalaan sa daigdig na naghahanap ng solusyon sa karaniwang mga suliranin ng mundo gamit ang kakaibang inobasyon.