TUMAAS ng 38.3 porsyento ang bentahan ng lotto ngayong taon kung ihahambing noong nakaraang taon matapos ipatupad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang mas mataas na minimum jackpot prizes.
Ayon sa inilabas na datos ng PCSO, ang lotto sales mula Pebrero 1-7, 2026 ay pumalo sa P413,827,025, mas mataas sa P299,172,920 sa kaparehong panahon noong 2025.
Sinabi pa ng ahensya na kaakibat sa pagtaas ng benta ay ang pagtaas ng mga mananaya dahil ang lotto tickets ay tumaas din ng 10.7 porsyento year-on-year sa kaparehong panahon.
“The strong year-on-year growth in Lotto sales shows that higher minimum jackpots resonate with the public,” ayon kay PCSO General Manager Melquiades Robles.
“By offering bigger prizes right from the start, we are making Lotto games more exciting and rewarding while ensuring the system remains fair, transparent, and sustainable,” dagdag pa ni Robles.
Sinabi pa ni Robles na dahil sa pagdami ng mga tumataya sa lotto, mas marami pa aniya ang matutulungan ng PCSO dahil sa mandato nito na pondohan ang mga programa sa kalusugan, medical, at social welfare sa buong bansa.
Sa inilabas na pahayag ng ahensya, ang nasabing paglago ng bentahan sa lotto ay resulta rin ng mga ginagawa nila sa modernisasyon ng sistema ng lotto upang maiayon at makasabay tayo sa internasyunal na larangan.
Kasabay nito, nananawagan ang ahensya sa publiko na maging responsable at tumaya lamang sa opisyal na PCSO channels para sa wastong impormasyon sa lotto games, draw schedules at prize announcements.
Giit pa ni Robles, huwag aniyang tangkilikin ang ilegal na mga pasugalan para hindi maloko, sa halip ay matulungan ang pamahalaan na patuloy na matustusan ang mga social services program nito.
