Reporma sa health services sa Marikina umarangkada na

SA FLAG RAISING nitong Lunes, Setyembre 2, inanunsyo ni Marikina City Mayor Maan Teodoro na sinimulan na niya ang mga gagawing reporma sa serbisyong pangkalusugan sa lungsod.

Ayon kay Teodoro, layon ng mga pagbabagong ito na maging mas mabilis, episyente, at abot-kamay ang paghahatid ng tulong medikal para sa mga mamamayan partikular na ng mga senior citizen.

“Una, ililipat na natin ang Animal Bite Treatment Center mula sa City Health Office patungo sa Concepcion Uno Super Health Center. Sa paglipat na ito, inilalapit natin sa mga tao ang mga medical services tulad ng bakuna lalo na sa mga residente ng Distrito 2,” ang pahayag ni Teodoro.

“Ikalawa, ating kasalukuyang inililipat ang Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) mula sa dating gusali nito sa V. Gomez Street papunta sa unang palapag ng City Health Office,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi pa ng punong lungsod na hindi lamang ito basta paglilipat ng mga opisina kundi nais niyang ipaalam na ang kalusugan at pangangalaga sa mga senior citizen ay pangunahin sa healthcare system ng kaniyang administrasyon.

“Dahil madali na sa kanila ang mag-commute mula sa District 1 at District 2. Mas malapit na rin sa kanila ang Marikina Diagnostic and Medical Arts building,” saad pa ni Teodoro.

Nilinaw pa ng alkalde na dapat aniyay maging accessible, available at abot-kamay ng mga residente ang serbisyong pangkalusugan na inihahandog ng lokal na pamahalaan lalo na sa mga lolo at lola.

“Masaya rin akong iulat [sa inyo] na patuloy din ang paglago ng ating medical and dental missions. Halos linggo-linggo ay ibinababa natin ang primary healthcare para sa lahat, because prevention is better than cure,” dagdag pa ni Mayor Maan.

Dahil dito, hinihikayat ni Teodoro ang mga nasasakupan na magpacheck-up upang maagapan ang anumang sakit na lumala pa kapag nalaman agad ang mga sintomas nito.

Idinagdag pa ng punong lungsod na simula pa lamang ng ito ng marami pang reporma na gagawin niya.

Inanunsyo rin ng alkalde ang pagpapatuloy ng scholarship program para sa mga nagnanais maging doktor na pinasimulan aniya ng dating vice mayor Marion Andres.

“Ang mga kabataang lalaki at babaeng ito ay buhay na patotoo na kayang-kayang kamtin ang anumang pangarap kapag may suporta at malasakit ang isang pamahalaang naging puhunan ang mga tao,” giit pa ni Mayor Maan.

“Kapag nakapagtapos na sila, babalik at maglilingkod sa ating lungsod, hindi lamang sila magpapagaling ng mga may sakit kundi maging inspirasyon sa susunod na henerasyon, dagdag pa ng alkalde.

IBA PANG BALITA

Sen. Erwin Tulfo idinawit ng ‘Brave 18’ hindi lamang sa isyu ng male-maletang pera kundi pati sa ‘tawag ng laman’

TAHASANG ibinulgar ng dalawa sa mga miyembro ng tinaguring 'Brave 18' na mga retiradong miyembro ng Philippine Marines na maliban umano sa isyu ng...

Mutya ng Pasig Movement: Pagpapatupad ng batas kontra bullying paigtingin

NANANAWAGAN ang Mutya ng Pasig Movement na dapat pang paigtingin ang kampanya laban sa bullying at magkaroon ng makataong pagtingin sa kalagayan ng mga...

₱680K halaga ng shabu nasamsam, 3 HVI timbog sa buy-bust ops

TUMATAGINTING na ₱680,000 halaga ng pinaghihinalaang shabu ang nasamsam mula sa tatlong itinuturing na high value individuals (HVI) sa isinagawang buy-bust ng Cainta Municipal...

₱26.5-M halaga ng medical equipments ipinagkaloob sa Aklan ng PCSO

IBINIDA ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang dalawang patient transport vehicles (PTVs) at mga medical equipment na may kabuuang halaga na ₱26.5 milyon...

PAGASA: ‘Habagat’ magsisimula na

OPISYAL nang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Sabado ng umaga, ang pagsisimula ng Southwest Monsoon o Habagat sa...