Bagong tapunan ng basura ng Maynila may basbas ng MMDA, San Mateo LGU umalma

UMALMA ang lokal na pamahalaan ng San Mateo, Rizal sa naging pahayag kamakailan ni Manila Mayor Isko Moreno na may basbas na umano mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang pagtapon ng basura sa nasabing bayan.

Ayon kay San Mateo Mayor Bartolome “Omie” Rivera Jr., ang paglipat ng tambakan ng basura ng lungsod ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill (NSMSLF) simula Agosto 27, 2025 ay walang anumang paunang abiso o konsultasyon man lamang sa kaniyang opisina.

“Sa ating pagkakaintindi, ang landfill sa ating bayan ay naitayo noon bilang isang alternatibong tambakan [lamang] ng basura sakaling mahinto [a]ng operasyon ng landfill sa [ating katabing bayan ng] Montalban,” ang pahayag ni Rivera.

Sinabi pa ng punong bayan na ang NSMSLF ay hindi nakadisenyo para tanggapin ang malalaking volume ng basura mula sa malalaking mga lungsod ng Metro Manila.

“Nangangamba tayo na dagliang mapupuno ang kapasidad ng [ating] landfill, lalong bibigat ang daloy ng trapiko at tataas ang banta sa kalusugan at kaligtasan ng ating mga mamamayan,” ayon pa sa alkalde.

Idinagdag pa ni Rivera na bagama’t kinikilala niya ang awtoridad ng MMDA kaugnay sa pangkalahatang koordinasyon ng solid waste management ng Kalakhang Maynila, naniniwala aniya siya na ang nasabing direktiba ng ahensiya ay [dapat na] nakahanay alinsunod sa Konstitusyon.

Giit pa ng punong bayan, dapat din aniyang isaalang-alang ang umiiral na mga batas ukol sa kapaligiran maliban pa sa RA 7160 o Local Government Code at gayundin ng paunang konsultasyon at pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan na magiging apektado.

“Nauunawaan natin ang mga naging [negatibong] reaksyon ng ating mga kababayan matapos mabasa ang balitang ito. Nalulungkot din tayo sapagkat hindi tayo naging bahagi ng pagpaplano sa pagsasakatuparan ng kautusang ito,” saad pa ng alkade.

Dagdag pa ni Rivera, “kaya hihingin natin sa MMDA na muling bigyang konsiderasyon ang kanilang desisyon ukol sa pagtambak sa ating bayan at magkaroon ng pormal na pag-uusap at koordinasyon.”

Sakaling matuloy ito, papat ding pag-usapan, ayon pa sa punong bayan, ang magiging patakaran may kinalaman sa pamamahala sa trapiko, pagmamantini ng tambakan, at pangangalaga sa kalusugan at kalinisan upang hindi ito magdulot ng perwisyo sa darating na panahon.

IBA PANG BALITA

Ilegal na bentahan ng LPG sa Rizal nabisto, 3 arestado

NABISTO ang ilegal na bentahan ng liquefied petroleum gas (LPG) sa Rodriguez, Rizal matapos magsagawa ng test-buy operations ang mga otoridad noong Miyerkules, Mayo 6,...

TESDA, STI nag-kolab para sa libreng AI training

ISANG kolaborasyon sa pagitan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at STI College (STI) ang nabuo upang itatag ang Artificial Intelligence (AI)...

Pinoy na jobless bumaba sa 2.58M nitong Marso 2026

NITONG nakaraang buwan ng Marso 2026, ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho ay nasa 2.58 milyon, mas mababa sa 2.66 milyon noong...

‘Training-to-Trabaho’ caravan ng TESDA patok sa Cebu

MAY kabuuang 811 Cebuanos ang naserbisyuhan ng Technical Education and Skills Development (TESDA) sa pamamagitan ng Kayang Kaya All-in-One Caravan na ginanap sa SM...

DWWW’s George Castro: Oldies but Goldies

WEIRDO! Ito ang tawag ng kanyang friends sa isang teenage fan ni George Castro, DJ ng DWWW, dahil mahilig itong makinig ng oldies but goldies...