
APRUBADO ng League of Cities of the Philippines (LCP) sa pamamagitan ng bagong pangulo nito na si San Juan City Mayor Francis Zamora ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na idaan muna sa mga local government units (LGU) ang anumang proyekto ng national government.
Sa ipinadalang opisyal na pahayag ni Zamora nitong Lunes, sinabi ng alkalde na sang-ayon aniya ang buong national organization ng mga punong lungsod na tulad ng dati, dapat aniyang may paki-alam ang LGU sa pagpaplano at implementasyon ng national government-funded projects.
Ang direktibang ito ayon pa kay Zamora ay makakabawas, kung hindi man tuluyang mag-aalis ng pag-aaksaya sa pondo ng pamahalaan kung saan nahaharap ngayon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa malaking kontrobersiya—ang talamak na korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura.
“Ang pagbabalik-muli ng kaayusang ito (na idaan sa lokal na pamahalaan) ay nagpapatunay lamang ng pagpapakita ng tiwala ng Pangulo sa kakayahan ng mga local officials na maging katuwang ng pamahalaang nasyunal sa nation-building,” ang pahayag ni Zamora.
Tinitiyak naman ng LCP sa DPWH at iba pang ahensya na susuportahan nila ang bagay na ito at magsisilbing force multiplier ang mga LGU sa pagmo-monitor kung papaano ipinatutupad at ginagawa ang mga proyektong ito ng national government.
“Kaisa ninyo kami sa pagbibigay ng serbisyo sa ating mga kababayan at makaasa kayo ng aming suporta sa isang uri ng responsableng paggasta ng pera ng gobyerno upang ang bawat proyekto ng pamahalaan ay mapakinabangan ng ating mga kababayan,” ayon pa kay Zamora.