
INIIPIT umano ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga affidavit ng labing-apat na akusado sa ‘missing sabungero’ case, ayon kay Atty. Bernard Vitriolo, abogado ng isa sa mga akusadong pulis.
Sa isang press conference sa Pasig City, sinabi ni Vitriolo na hanggang sa kasalukuyan ay wala silang kopya ng nasabing mga affidavit na dapat sana ay ibinahagi rin sa kanila.
Kasabay nito, nananawagan si Vitriolo kay Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre III na atasan si CIDG chief PBGen. Christopher Abrahano na bigyan sila ng kopya ng affidavit na isinumite ng 14 na indibiduwal laban sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan.
Sa sulat ni Vitriolo kay Abrahano na may petsang Agosto 3, 2025, sinabi nito na mahalaga aniya na maliban sa mabigyan sila ng kopya, ang nasabing mga dokumento ay kailangan ding maisumite sa Department of Justice (DOJ).
“Hinahanap natin ang mga affidavits na ito para i-submit sana sa evaluating team ng DOJ para maging patas at kompleto ang kanilang imbestigasyon sa nasabing kaso,” ang pahayag ni Vitriolo sa harap ng mga miyembro ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps.
Giit pa ng abogado, nalaman anila nila na ang nasabing mga affidavit ay hindi naisama sa case folder na naisumite sa DOJ para sa karagdagang pagsusuri.
Sabi ni Vitriolo, nalaman din nila na nakalagay sa naturang mga affidavit na sinabi umano ng mga nag-aakusa na ang mga kapatid ni Patidongan ang nasa likod ng mga ‘missing sabungeros.’
“Ito ay nasa CIDG ngunit napag-alaman namin na hindi ito isinama sa case folder papunta sa DOJ para ito ay makasama sa evaluation in accordance with the Department Circular No. 20,” ayon pa kay Vitriolo.
“Tandaan natin na malinaw na sinasabi doon sa Department Circular No. 20 na [ka]pag nagsampa ka ng kaso e-evaluate muna ito para magkaroon ng determination kung meron itong prima facie evidence at merong reasonable certainty o conviction,” dagdag pa ng abogado.
Lumalabas, ayon pa kay Vitriolo na para bang patiuna nang napagpasyahan ng DOJ at National Police Commission (Napolcom) ang nasabing kaso sa kabila nang hindi pa ito pormal na nai-sumite.
“Wala pa pong sinasampang kaso, nasa evaluation stage pa lang tayo, eh ganon na po ang unfair and biased pronouncement ng DOJ,” giit ni Vitriolo na abogado ng isa sa mga idinadawit sa kaso na si Police Staff Master Sergeant Joey Encarnacion.
Nitong Lunes, nagpataw ng 90-day preventive suspension ang Napolcom sa 12 pulis may kaugnayan sa imbestigasyon ng nawawalang mga sabungero.
Maliban kay Encarnacion, ang sinuspending mga pulis ay sina:
- Police Lieutenant Colonel Ryan Jay Eliab Orapa
- Police Major Mark Philip Simborio Almedilla
- Police Executive Master Sergeant Aaron Ezrah Lagahit Cabillan
- Police Chief Master Sergeant Arturo Opalla Dela Cruz Jr.
- Police Staff Master Sergeant Mark Anthony Aguilo Manrique
- Police Staff Master Sergeant Anderson Orozco Abary
- Police Staff Sergeant Alfredo Uy Andes
- Police Staff Sergeant Edmon Hernandez Muñoz
- Police Corporal Angel Joseph Ferro Martin
- Police Staff Sergeant Renan Lagrosa Fulgencio
- Police Colonel Jacinto Rodriguez Malinao Jr.
Noong Hulyo 14, nagsampa ng complaint-affidavit si Patidongan at ang pamilya nito laban sa mga pulis na sangkot umano at may kinalaman sa kontrobersyal na pagkawala ng mga sabungero at pinaniniwalaang pinatay at itinapon ang mga labi sa Lawa ng Taal sa Batangas.