LALAGDAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakalatag na panukalang batas na ipagpapaliban ang halalan para sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) sa darating na Disyembre 2025, sa halip isasagawa na ito sa Nobyembre 2026.
Ito ang tinuran ni Marcos kahapon, Agosto 8, nang tanungin ng mga mamamahayag kung pipirmahan ba niya ang nasabing panukala na magla-lapse na sa Agosto 14, 2025.
“I’ll sign it. I’ll sign it,” ang pahayag ng pangulo.
Habang nasa state visit si Marcos sa bansang India, sinabi nito na kailangang pagtuunan ng pansin ng Commission on Elections (Comelec) ang nalalapit na halalan para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ngayong taon.
“Kapag pumalpak ang [BARMM] eleksyon na ‘yan, malaking isyu ‘yan na makakaapekto sa usapang pangkapayapaan,” ang pahayag ng pangulo.
“Kailangan na kailangan maging matagumpay ang pagganap ng halalaan ng BARMM,” dagdag pa ni Marcos.
Tinuran din ng pangulo ang pasya ng Korte Suprema na bawal paikliin ang termino ng mga opisyal kaya wala aniyang magagawa kundi i-extend ito.
