Regulasyon sa e-trike at e-bike dapat ipatupad, ayon sa 2 LGU sa Rizal

BUKAS sa anumang usapan ang traffic regulatory offices ng dalawang local government unit (LGU) sa lalawigan ng Rizal kaugnay sa paggamit ng electric tricycle (e-trike) at electric bicycle (e-bike) sa mga kalsada ng Cainta at Taytay.

Ayon kay Eduardo Pio, deputy chief for operation ng Smile Traffic Action Group (STAG) ng bayan ng Taytay, hindi na maikakaila na dumadami na ang gumagamit ng e-bike at e-trike hindi lamang sa Metro Manila kundi gayon din sa mga nabanggit na bayan.

Nakiusap pa si Pio sa mga gumagamit ng e-bike na hangga’t maaari ay sa inner lane lang ang mga ito upang hindi takaw aksidente at malaking tulong sa pagpapanatili ng maayos na trapiko.

“Hangga’t maaari ay sa inner lane lang sila o inner portion [ng kalsada] dahil minsan ay may mapapanood tayo na trending na sila sa social media kung saan binubusinahan na sila hindi para paalisin sa kalsada kundi para tumabi lang,” ang pahayag ni Pio sa ginanap na Rizal Media Forum sa Eagle’s Food Hub sa Taytay, Rizal na inorganisa ni Kuyang Knots Alforte ng PaMaMariSan-Rizal Press Corps.

Idinagdag pa ng STAG deputy chief na minsan aniya ay nagagalit pa ang mga may-ari ng e-bike na para bang kinakawawa sila pero ang totoo sila pa aniya ang galit kapag pinapaalalahanan ng mga lisensyadong driver.

“Iniiwas lang po natin sila [sa aksidente] sa kalsada dahil nakakasabay nila ang mga jeep, tricycle, truck at iba pang sasakyan. Minsan kasi buong pamilya pa sila o kaya mga estudyante kaya nakaka-alarma ito lalo na pagdating sa kaligtasan nila,” susog pa ni Pio.

Sina (L-R) Eduardo Pio, Jr. ang deputy chief ng Smile Taytay Action Group (STAG) at Roty Borer, hepe ng Cainta Tricycle Regulatory Office (CTRU) habang nakikinig sa mga katanungan ng mga reporter sa ginanap na Rizal Media Forum sa Eagle’s Food Hub sa Taytay, Rizal.

Sinabi naman ni Roty Borer, hepe ng Cainta Tricycle Regulatory Unit (CTRU) na mayroon ng isang grupo ng mga e-trike driver na binigyan ng pahintulot ng lokal na pamahalaan na bumiyahe tulad ng nakasanayang mga Tricycle Operator and Drivers Association (TODA).

“Sa amin pong lugar, out of 45 TODA sa Cainta mayroong naaprubahan ng dating humahawak ng CTRU at sila ay pinayagang bumiyahe sa area ng Midtwon. Nakita ko po [nang ako na ang huwak ngayon] na hindi talaga advisable na pambiyahe ang e-trike dahil una ang mga signal light nila, pangalawa ang maintenance [at mga spare parts] ay mahirap [hanapin at] bilhin hindi tulad ng mga tricycle,” pahayag ni Borer.

Giit pa ng CTRU chief na napakamahal ng baterya ng mga e-trike at kulang pa sa kinikita nila ang pambili ng battery.

“Itong Midtown kasi, ang dating naririyan sa loob na bumibiyahe ay mga padyak o trisikad at [nang dakong huli ay] kinonvert sa e-trike at batay sa ating karanasan hindi talaga advisable na pambiyahe,” dagdag pa ni Borer

Ayon pa sa hepe ng CTRU, kapag aprubado na ng nasyunal, dapat aniyang magkaroon ng lokal na polisiya na hanggang tatlong taon lamang ang e-trike at kailangan ng palitan nang sa gayon ay mapanatili ang kaligtasan ng mga mananakay.

Noong nakaraang taon, 8 vehicular accident na kinasasangkutan ng e-bike at e-trike ang naitala ng STAG kung saan malubha ang isang insidente dahil kinailangang dalhin sa orthopedic hospital ang biktima at ang 7 iba pa ay damage to property lamang.

IBA PANG BALITA

Eugene Nacino hinirang na 2026 ‘Makata ng Taon’

GAGAWARAN ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) si Eugene Geibrielle Nacino ng KWF Talaang Ginto: Makata ng Taon 2026 para sa kaniyang tulang: “Asín...

Mister tinapos ang sariling buhay matapos palakulin si misis

ISANG kaso ng parricide ang iniulat ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO) matapos matagpuan sa loob ng kanilang bahay ang misis na sugatan...

Carnapper na nang-blackmail sa Rizal, arestado 

ARESTADO ang isang lalaki nang masakote ng mga pulis matapos manghingi ng pera sa biktima para maisauli ang ninakaw na motor sa Antipolo City,...

AFP: Napaslang na aktibistang UP student sa NegOcc ‘armado,’ may ‘combat rig’

NANININDIGAN ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang naunang pahayag na ang napaslang na estudyante ng University of the Philippines (UP) sa...

Meralco muling nagbabala: Ang pagnanakaw ay ‘nakakakuryente’

NAGBABALA muli ang Manila Electric Company (Meralco) laban sa nagbabalak magnakaw ng mga materyales o kawad ng kuryente sa kanilang mga pasilidad. Ito’y matapos masawi...