MULING binomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) ang barkong magdadala ng
supplies sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, kahapon.
Ayon sa report ng Philippine Coast Guard (PCG) gumawa na naman ng mapanganib na
maniobra ang CCG sa dalawang supply boats ng Pilipinas, ang M/L Kalayaan at Unaizah Mae
1 mga 7:30 a.m. kahapon.
“We condemn, once again, China’s latest unprovoked acts of coercion and dangerous
maneuvers against a legitimate and routine Philippine rotation and resupply mission,” ayon sa
National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS).
Tila raw gustong palubugin ng CCG ang resupply boat na M/L Kalayaan, na kaagad nakalayo,
kahit na patuloy itong binobomba ng water cannon.
Pinigilan din ng CCG sa loob mismo ng lagoon ng Ayungin Shoal ang paglapit ng supply boats
sa BRP Sierra Madre, pero sila ay nabigo at natapos din ang resupply mission sa harap nang
matensyong situwasyon.
Kahit na pinalibutan at hinarang, pati na rin ang paggawa nang mapanganib na maniobra ng
CCG at Chinese militia boats ang ating resupply mission ay hindi sila nagtagumpay dahil sa
propesyonalismo at husay ng ating coast guard personnel, pati na rin ang kapitan ng dalawang
pribadong barko ng Pilipinas.
Siniguro naman ng NTF-WPS na ipaglalaban nila nang walang humpay ang karapatan ng
Pilipinas sa exclusive economic zone nito sa harap nang patuloy napag-aangkin ng China.
Naghain na rin ng diplomatic protest ang Pilipinas laban sa China sa panibagong insidente ng
harassment at pasasapanganib ng buhay ng mga tripulante ng ating mga barko.
Samantala, sinabi kamakailan ni retired admiral John Kirby, spokesperson ng U.S. State
Department na nakatanggap sila ng intelligence report na planong hilahin ng CCG ang BRP
Sierra Madre. Idiniin ni Kirby na kapag ginawa ito ng China, ituturing ito ng U.S. na “act of war”
at automatic na magtri-trigger sa Mutual Defense Agreement ng U.S. at Pilipinas.
Hindi sinabi ni Kirby kung kaagad na gagawa ng aksyong militar o bobombahin ng U.S. Air
Force ang barkong hihila sa BRP Sierra Madre, kung sakaling mangyari ang panghihila.
