Patay ang isang pintor makaraang aksidenteng makuryente habang nagpipintura nang sumabit sa isang nakalaylay na kuryente ng isang gusali sa Caloocan City, kamakalawa ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay sa Caloocan City Medical Center ang biktimang si Rodel Del Castillo, 25-anyos, residente ng Dasmariñas, Cavite City.
Sa tinanggap na report ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta mula kay Sub-Station 2 Commander P/Maj. Marvin Villanueva, bandang 8:30 Biyernes ng umaga nang maganap ang insidente sa J. Mariano St., Brgy 95, Caloocan City.
Batay sa report ng kasamang pintor ng biktima na si Nicanor Ramuda, 33-anyos, habang nagpipintura sila sa pader ng isang gusali sa nasabing lugar nang aksidente dumikit si Del Castillo sa nakalaylay na wire ng Meralco.
Agad namang ni-rescue ng mga tauhan ng Meralco ang biktima bago isinugod ng ambulansya ng Caloocan LGU DRRMO sa pagamutan subalit, idineklara ng dead-on-arrival.
