2 Lalaking Chinese national  tiklo sa pagdukot sa babaeng Taiwanese

0

Arestado ang dalawang Chinese national matapos ang ginawang pagdukot sa isang babaeng Taiwanese national at umanoy ginahasa pa  ng isa sa dumukot na pitong Chinese national sa Malate, Manila at ikinulong sa Malabon City.

Sa report ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, arestado ang dalawang suspek  na sina Zheng Xi Lin, 34, at Ma Pun Xin, 36, kapwa Chinese National at parehong nakatira sa Block 5 Oak Street, Victoneta North, Barangay Potrero, Malabon City.

Ayon sa report bandang 3:00  Linggo ng hapon nang ma-rescue ng mga tauhan ng Intelligence Section (SIS) sa pangunguna ni P/Lt. Jonas Gato at Sub-Station 1 ng Malabon police ang 35-anyos na biktimang Taiwanese national at residente ng BGC Makati City.

Ikinulong ang biktima sa tinitirhang bahay ng mga suspek sa Malabon City at umanoy ginahasa siya ng leader ng Taiwanese noong August 18.

Lumabas sa imbestigasyon nina PSSg Jeric Tindugan at PCpl Joann-Rose Tindugan ng Malabon police, noong nakaraang August 14, 2023 ay inimbitahan ang biktima ng kanyang kaibigan na ang pangalan ay “Axin” na magkita sa Malate at nang pumunta ang biktima sa nasabing lugar ay hindi niya nakita ang kaibigan at  biglang may nagtakip ng kanyang mga mata at doon na siya dinukot ng pitong Chinese nationals saka isinakay sa isang pribadong sasakyan at dinala sa isang bahay sa Malabon City.

Nagawa namang makahingi ng biktima ng tulong sa kanyang kaibigang lalaking Taiwanese national na siyang humingi ng tulong sa mga tauhan ng Malabon police kaya kaagad iniutos ni Col. Tangonan sa kanyang mga tauhan ang pag-rescue sa biktima.

  Sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) ng cellphone ng biktima, agad natunton ng mga pulis ang bahay kung saan siya ikinulong na nagresulta sa pagkakaligtas sa kanya at pagkakaaresto sa dalawa sa mga suspek.

 Sinabi pa ng biktima na pinilit siya ng suspek na magpadala ng pera sa pamamagitan ng online transfer ng cash na 71,428 US dollar; 21, 805 US dollar, 20,000 US dollar 1,000 US dollar at 10,000 US dollar.

Patuloy naman ang follow up investigation  ng Malabon Police katuwang na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa iba pang mga suspek.

About Author

Show comments

Exit mobile version