MAY kabuuang 200 Pasigueño ang nakatanggap ng libreng medical assistance mula kay Pasig City Vice Mayor Dodot Jaworski at Robinsons Land bilang bahagi ng kanilang corporate social responsibility program.
Isinagawa ang nasabing medical mission sa Tambakan area ng Barangay San Miguel ng nasabing lungsod kung saan itinuturing na dito nakatira ang marami sa mga mahihirap na pamilya sa Pasig.
Kasama sa isinagawa sa nasabing medical mission ng “RLove Program” ay libreng check-up sa tatlumpong mga kalalakihan para sa libreng prostate examination.
Ang naturang mga kalalakihan ay nakatanggap din ng libreng bitamina at ₱500.00 halaga ng gift cheque upang magamit nila sa pagbili ng kinakailangan nilang gamot sa SouthStar Drug store na affiliate ng Robinsons Retails Holdings, Incorporated.
“Walang-tigil tayong nagtatrabaho para bumuo ng isang mas inklusibong lungsod, kung saan ang bawat nangangailangan ay may matatakbuhan, at ang mga may sakit—lalo na ang mga mahihirap—ay may gobyernong malalapitan. Ito ang dala nating pagbabago sa Pasig,” ang pahayag ni Vice Mayor Jaworski.
Ang “RLove Program” ng Robinsons Land Incorporated ay patuloy na nagsasagawa ng kanilang adbokasiya, boluntarismo at katuwang ng iba’t ibang sektor upang mapasulong pa ang buhay sa komunidad.