TATLONG high value individual (HVI) at dalawang street level individual (SLI) sa lalawigan ng Rizal ang nadakip sa isang buy-bust operation na ikinasa ng Angono Municipal Police Station noong Enero 19, 2025 sa Arveemar Subdivision, Brgy. San Isidro.
Ayon sa ulat ni PLtCol. Ariel Azurin, Chief of Police ng Angono, kay PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal PNP, kinilala ang HVI na mga suspek na sina Alyas “Onyok,” 27-anyos; Alyas “Jun,” 73-anyos at Alyas “Gala,” 45-anyos.
Samantala, sina Alyas “Robin,” 32-anyos at Alyas “Buboy,” 48 na taong gulang ay mga SLI batay sa rekord ng pulisya.
Sinabi ni Azurin na sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isinagawa ang nasabing operasyon bandang alas-6:18 ng gabi sa nasabing subdivision partikular na sa bahay na pagmamay-ari ni Alyas “Gladys.”
Nakumpiska sa mga suspek ang mga marked-money, timbangan, telepono at humigit kumulang 400 gramo na hinihinalang shabu na nagkakalahaga ng P2,720,000 street value. Matapos isailalim sa physical, medical at drug test examination sa Rizal Provincial Hospital System, pansamantalang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng Angono MPS.
Sasampahan ang lima ng mga kasong paglabag sa Section 11, Article 2 ng RA 1965 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 sa Provincial Prosecutor’s Office sa Taytay, Rizal.