NABUWAG kaagad ang bago pa lamang namamayagpag na ‘gapos gang’ matapos itong masukol sa isinagawang operasyon ng Eastern Police District (EPD) nito lamang Hulyo 13, 2026 sa Brgy. Concepcion Dos, Marikina City.
Kinilala ni EPD Director PBGen. Melecio Buslig Jr. ang limang miyembro na sina alyas “Ahorn,” 27; alyas “Don-Don,” 52; alyas “Oryong,” 21; alyas “Ric,” 42 na pawang tubong Nueva Ecija at Isabela at alyas “Beshir,” 43.
Si alyas “Lloyd” at tatlo pang mga kasama ay nakatakas at target na ngayon ng isang malawakang pagtugis, ayon sa mga awtoridad.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang krimen dakong alas-12:30 ng madaling araw habang natutulog ang may-ari ng bahay at mga kasambahay.
Bilang bahagi umano ng modus operandi ng grupo, nagpakilalang mga alagad ng batas ang mga ito at nagpresenta ng pekeng warrant of arrest at nang binuksan ng biktima ang gate ay agad na pilit na pumasok ang mga suspek.
Ayon pa sa mga awtoridad, inuna ng mga suspek ang pagputol sa wi-fi connection, sinira ang mga CCTV camera at iba pang visual devices, bilang bahagi ng kanilang sistematikong operasyon.
“Tinali ng mga suspek ang mga biktima gamit ang cable ties, duct tape at may nakatutok na baril habang niraransak ng mga ito ang mga kwarto para nakawin ang mahahalagang gamit, electronic devices, mamahaling relo, pera at mga alahas,” ang pahayag ni Buslig.
Sinabi pa ng EPD director na habang abala umano ang mga suspek, lihim na nakapagpadala ng emergency distress signal ang isang biktima sa Marikina City Police Sub-station 8 na agad namang rumesponde.
Sinabi pa ng pulisya nakorner umano nila ang mga suspek sa inilagay na perimeter at hindi na nakapalag pa ang mga ito.
Narekober sa mga sindikato ang isang unit ng iPad Pro at isang Victorinox wristwatch.
Nakumpiska rin sa mga suspek ang isang 9mm na baril, dalawang magazine, 19 na bala, 4 na sumpak, isang itim na sling bag, plastic cable ties, duct tape, 5 masks, 5 mobile phones; sari-saring ID ng mga suspek; 1 pamutol ng wire at 3 kopya ng palsipikadong warrant of arrest.
Pansamantalang nakapiit ang mga suspek sa custodial facility ng Marikina City Police Station at isinasagawa ang dokumentasyon matapos isailalim sa medical examination para sa inquest proceedings.
Sasamphan ang mga suspek ng kasong robbery with violence against or intimidation of persons; usurpation of authority; paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, slight illegal detention, at falsification of public documents.
“Hindi ito simpleng holdap lamang dahil ginamit nila ang pangalan ng PNP upang takutin ang mga inosente. Hindi natin palalagpasin ang ganitong kalapastanganan. Pinupuri rin natin ang mabilis na aksyon ng ating pulisya at ganun din ang katapangan ng biktima,” pagtatapos ni Buslig.
