Malungkot na sinalubong ng mga opisyal ng pamahalaan at mga nagdadalamhating pamilya ang pagdating ng labi ng 20 Overseas Filipino Workers (OFWs) mula sa Kuwait nitong madaling araw, April 15, 2026.
Lulan ng isang special flight, lumapag ang mga labi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan agad itong dumaan sa kaukulang proseso bago i-turnover sa kani-kanilang mga pamilya.
Bagama’t hindi pa idinedetalye ng Department of Migrant Workers (DMW) ang sanhi ng pagkamatay ng lahat ng nasabing mga manggagawa, tiniyak ng ahensya na nakatutok sila sa pagbibigay ng tulong pinansyal at burial assistance para sa mga naiwang kaanak.
Sa gitna ng mabigat na pagsubok, nagkakaisa ang mga pamilya ng mga nasawing OFW sa paghiling ng pang-unawa mula sa publiko at sa media.
Nakiusap ang mga ito na igalang muna ang kanilang privacy upang mabigyan sila ng sapat na panahon at puwang para sa kanilang pagluluksa at matahimik na pag-alaala sa kanilang mga mahal sa buhay.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos na transportasyon ng mga labi patungo sa kani-kanilang mga probinsya. (AR BERNARDO)
