TIMBOG ang dalawang suspek na itinuturing na notoryus na tulak sa National Capital Region (NCR) sa isinagawang drug buy-bust na ikinasa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD) bandang alas-8:40 ng gabi, Setyembre 1, 2025 sa Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City.
Kinilala ni PBGen. Aden Lagradante, district director ng EPD, ang mga suspek na sina alyas “Arwin,” 43, No. 5 at alyas “Julio,” 34, No. 9 sa regional high-value individual (HVI) sa drug list; kasama ang isa pang kasabwat na si alyas “Karlo,” 37.
Naaresto ang mga suspek matapos makakuha ng verified intelligence report at koordinasyon sa iba pang mga sangay ng pulisya.
Nasamsam sa mga suspek ang 4 na heat-sealed plastic sachet na pinaghihinalaang shabu at tumitimbang ng humigit kumulang 21.30 gramo na may street value na aabot sa ₱144,800.
Narekober din mula sa kanila ang 7 tig-₱1,000 buy-must money sa nasabing operasyon kung saan isinagawa ang imbentaryo sa harap ng opisyal ng barangay at miyembro ng media bilang bahagi ng kaayusan ayon sa batas.
Dinala ang tatlo sa DDEU Office para sa kaukulang dokumentasyon at sa PNP Forensic Unit naman ang mga narekober na ebidensya at inilipat sila sa EPD custodial facility matapos ang medical examination.
Kakasuhan ang mga suspek ng mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Pasig City Prosecutor’s Office.
“Malaking dagok ito laban sa mga drug personalities na nag-ooperate sa Metro East. Walang takot na pangako namin dito sa EPD na tiyakin sa publiko na ligtas sila. Ang mensahe namin ay malinaw—ang ilegal na droga ay bawal. Tutugisin namin kayo,” ang matapang na pahayg ni Lagradante.



