HUMIGIT-kumulang 67 kongresista and at the same time contractor din ang inihalal noong 2022 kung saan sila-sila rin ang nangangasiwa ng kanilang mga proyekto batay sa ginawang insertion sa proseso ng national budget.
Ito ang isiniwalat ni Senador Panfilo “Ping” Lacson sa isang panayam sa radyo kung saan dapat aniyang bigyang pansin ito sa pamamagitan ng malalimang imbestigasyon upang masawata ang korapsyon pagdating sa mga imprastraktura.
Bago aniya pumasok ang 19th Congress noong 2022, nagkaroon siya ng masinsinang pakikipag-usap sa isang kapuwa rin mambabatas kung saan 67 kongresista ang involved sa construction business upang maging contructor ng sariling proyekto.
Sinabi pa di-umano ng kausap ni Lacson na kung hindi man direktang kontratista ang mambabatas, gumagamit aniya ng mga kamag-anak nang sa gayon ay may direktang kontrol pa rin ito sa kaniyang proyekto.
“Sabi ko ilan ba kako ngayon, sa bilang mo, ilan ang contractor dyan sa Batasan? Sabi niya ang huling bilang ko sa ngayon 67 pero alam ko mayroon pang iba,” pahayag ni Lacson.
“Siguro ngayon kasi ang iba na-engganyo, mag-contractor na lang tayo o kaya ang kamag-anak ang magha-handle ng construction company para maka-menos sila,” dagdag pa ng senador.
Ayon sa senador, isiniwalat niya ito bilang suporta sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kaniyang State of the Nation Address nitong nakaraang Lunes, Hulyo 28, 2025 kaugnay sa kapalpakang nangyari sa napakaraming flood control projects ng pamahalaan.
Bunsod na rin ito ng naranasang malawakang pagbaha hindi lamang sa Metro Manila kundi sa ibang probinsiya na dala ng matinding pag-ulan dulot ng hanging habagat at 3 sunod-sunod na bagyo nitong nakaraang linggo.
Kung si Lacson ang tatanungin, ang fllod control projects ang isa sa naging “most notorious” na source ng korapsyon, lalo na ang dredging, kung saan ang kickback aniya ay umaabot ng 50% ng project costs.
“Meron nga naikwento sa akin… 50 proyekto na sabay-sabay na tagpi-₱50 million, sa isang lugar ito ha. Isipin mo, 50 proyekto na iisang backhoe halos ang ginagamit,” sabi ni Lacson.
“So kung tutuusin, maswerte na kung gumastos ng ₱500 million yun. Eh ₱2.5 billion, edi ₱2 billion agad yung nakulimbat,” dagdag pa ng senador.
Kaya lumalabas ayon pa kay Lacson, ang kontrobersyal na ‘pork barrel’ ay nasa ibang anyo lang at masasabing kinokonsinti rin ng ibang pulitiko dahil sa loob mismo ng budget deliberation sa bicameral conference committee ay may tinatawag na ‘code of silence.’
Mungkahi ni Lacson, magkaroon ng independent audit body, hindi lang ang Department of Public Works and Highways (DPWH) upang magsagawa ng komprehensibong pagko-compile ng listahan ng lahat ng flood control projects sa buong bansa.
