TATLONG high value individuals (HVIs) at dalawang street level individuals (SLIs) sa lalawigan ng Rizal ang nadakip sa isang buy-bust operation na ikinasa ng Angono Municipal Police Station noong Enero 19, 2025 sa Arveemar Subdivision, Brgy. San Isidro.
Ayon sa ulat ni PLtCol. Ariel Azurin, Chief of Police ng Angono, kay PCol. Felipe Maraggun, Provincial Director ng Rizal PNP, kinilala ang mga HVIs na sina Alyas “Onyok,” 27; Alyas “Jun,” 73 at Alyas “Gala,” 45-anyos.
Samantala, sina Alyas “Robin,” 32 at Alyas “Buboy,” 48-na taong gulang ang mga SLIs batay sa rekord ng pulisya.
Sinabi ni Azurin na sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), isinagawa ang nasabing operasyon bandang alas-6:18 ng gabi sa nasabing subdivision partikular na sa bahay na pagmamay-ari ni Alyas “Gladys.”
Nakumpiska sa mga suspek ang mga marked-money, timbangan, telepono at humigit kumulang 400 gramo na hinihinalang shabu na nagkakalahaga ng ₱2,720,000 street value.
Matapos isailalim sa physical, medical at drug test examination sa Rizal Provincial Hospital System, pansamantalang ikinulong ang mga suspek sa custodial facility ng Angono MPS.
Sasampahan ang lima ng mga kasong paglabag sa Section 11, Article 2 ng RA 1965 o Comprehensive Dangerous Drugs Acts of 2002 sa Provincial Prosecutor’s Office sa Taytay, Rizal.