PINURI ni Sen. Lito Lapid kahapon, Peb. 19, ang pagkakapasa sa ikatlo at huling
pagbasa ang Eddie Garcia Bill o Senate Bill No. (SBN) 2505.
Kapag tuluyan nang naisabatas, ito ay magbibigay ng proteksyon ang titiyakin ang kapakanan ng mga manggagawa sa pelikula, telebisyon, at radyo sa bansa.
Sinabi ni Lapid, isa sa mga awtor ng Eddie Garcia Law, ang pagpasa nito ay isang parangal sa isa sa pinaka-dakilang aktor na Pilipino.
Ang hindi napapanahong pagkamatay ni Garcia sa isang aksidente sa 2019 shooting ay naiwasan sana,”Kinakailangan ang ligtas na kapaligiran sa shooting upang maiwasan ang sakuna, sakit o kamatayan ng ating mga kasamahan sa industriya,” ani Lapid.
“Kakaiba po ang kalakaran sa entertainment industry. Normal na po ang mahabang oras ng pagtatrabaho sa shooting. Karamihan sa maliliit nating manggagawa ay maliit lang po ang naiuuwing sahod, hindi katulad ng malalaking aktor sa industriya,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng SBN 2505, walo hanggang 14 na oras lamang o may kabuuang 60 oras bawat linggo ang haba nang pagtatrabaho.
Pinagsama ang SBN 2505 sy SBN 1889, na nai-file ni Lapid. Naglalayon itong tiyakin na ang mga manggagawa sa entertainment industry ay mabibigyan ng oportunidad ng maayos na trabaho, disenteng sweldo, may proteksyon laban sa pang-aabuso, harassment, mapanganib ng kundisyon sa trabaho, at economic explotation.