Arestado ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Navotas City Police ang isang 33-anyos na bebot na listed bilang top 9 most wanted sa kaso ng illegal na droga sa Navotas City.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang akusado bilang si Nimfa Mercado, residente ng No. 379, Brgy. NBBN.
Sa report ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang WSS na huli at nakakulong sa BJMP Female Dorm, Rodriguez, Rizal si Mercado sa hindi nabanggit na kaso.
Dahil may nakabinbing na warrant of arrest si Mercado at nasa top 9 most wanted sa Navotas City ay agad nagtulak ang mga tauhan ng WSS sa pangunguna ni PCMS Ronie Garan patungong Rodriguez, Rizal upang isilbi sa kanya ang arrest warrant.
Pagdating ng grupo ay agad silang nakipag-ugnayan sa BJMP Female Dorm ng Rodriguez, Rizal na matatagpuan sa Tanguile Street saka isinilbi kay Mercado ang warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ronald Q Torrijos ng Regional Trial Court (RTC) Branch 288 ng Navotas City na may petsang May 19, 2023, para sa paglabag sa Section 11 and 12, Art. II of RA 9165.
